8.26.2009

Kuwentong Trabaho

Suspended na si Chrissy tas ang susunod naman ay si Gio. Mukhang lahat kami sa team ay masususpend at wala man lang ginagawa ang aming supervisor. Mukhang tuwang tuwa pa sya na lahat kami ay di nya makikita nang dalawang linggo. Alam ko may kasalanan kami sa pagkalugmok ng team namin. Kung dati ay nasa top 10 kami, ngayon ay pangalawa na kami sa kulelat.

Nagkamali kami pero kung padamihan lang din naman ng mali, sya ang reyna ng kamalian. Inuutang nya ang pondo ng team. Sabi ng iba ninanakaw nya ang pondo. Dahil wala silang punches at time card, lagi syang late ng 2 oras sa pagpasok. Late na nga, tatakas pa sya para manood ng sine pag wala ang mga managers tas babalik sya sa office isang oras bago uwian. Lagi syang walang alam pag may tanong kami. Pag nasobrahan kami ng tanong ay sinasabihan nya kami na reklamador. Minumura nya ang mga newbies na nagkamali sa harap ng mga tenured CSRs. Tamad syang magcompute ng stats namin. Di sya marunong magcompute. Kinakalimutan nya ang kanyang trabaho lalo na sa pag-file ng mga swaps at leaves. Madamot sya sa pagbibigay ng team meeting kaya kami laging naglog out. Hindi nya kami ina-update sa mga bagong policies ng company. Lagi kaming huli sa balita pag may bagong protocol at services. May favoritism sya. Favorite nya ang mga lalake. Pwede syang idemanda ng mga lalake ng sexual harassment dahil lagi syang nanghihipo at nanghahalik. Nag power trip sya lalo na sa mga di nya gustong CSR. Sino ba naman ang gaganahang pumasok kung ganito ang boss mo? Di na ako nagtataka kung bakit umaabsent lagi ang mga teammates ko.

Sana bukas ay November 6 na para makaalis na ako sa kumpanya. Natatakot ako na mawalan na ako ng pasensya sa boss at sa mga callers ko. Araw-araw ay lalong nagiging masungit ako. Baka mamya mauna ang termination sa pinaplano kong resignation. Kung magreresign naman ako ngayon eh mga bandang January ko pa makukuha ang 13th month pay at ang last sweldo ko. Sayang naman.

Wala akong choice kundi maghintay ng mahigit dalawang buwan tutal hanggang ngayon ay magulo pa rin ang utak ko. Di ko pa rin alam kung ano ang gusto ko talagang mangyari sa life ko. Ayoko nang magturo ulet pero kung sa ibang bansa ay baka bumalik nga ako sa pagiging teacher. Ayoko na rin sa call center pero kung sa ibang bansa ay okay lang maging call girl. Wala akong time para mag-aral sa university. Ayokong gumastos at ayokong gumugol ng mahabang panahon para sa pag-aaral. Puro short courses lang ang kaya ko. Sa ngayon isa lang ang natitiyak kong gusto ko at ito ay ang pera. Anong trabaho ba ang pwede sakin?

Sana magbago ang boss ko. Sana kahit papaano ay ayusin nya ang trabaho nya. Sana wala ng masuspend kasi nalulungkot ako pag nababawasan ng tao ang team. Sana magkaron pa ako ng pasensya sa mga engot na callers. Sana makapaghintay ako hanggang November 6. At sana --- makahanap ako ng trabaho kung saan magiging kuntento at masaya na ako.

No comments: